Mga Bagay na Dapat Ipagmalaki Bilang Isang Pilipino


Guest2023/12/11 15:25
Follow
Mga Bagay na Dapat Ipagmalaki Bilang Isang Pilipino

Subukan mong mag-masid sa paligid mo — anong nakikita mo? Ang ating mga ina ay nahuhumaling sa KDrama. Ang ating mga nakababatang kapatid na sinusubaybayan ang kaniyang mga paboritong anime. Ang ama nating na mahilig manood ng mga Hollywood na pelikula.


Hindi natin maikakaila na maraming mga Pilipino ang tumatangkilik sa mga banyagang produkto. Simula nang umusbong ang globalisasyon at teknolohiya, mas lalong bumilis ang pag-kalat ng impormasyon at mas lumalawak ang ating kaalam. Dahil tayo’y napakikilala sa mga bagong bagay, hindi natin maitatanggi na gusto natin itong subukan o mas malaman pa ng lubos. Ngunit sa paglipas ng panahon, tila mas magugustuhan na natin ang mga ito kaysa sa sarili nating produkto at kultura — at isa itong malaking pagkakamali!


Ang Pilipinas ay isang napaka-gandang bansa na may napaka-gandang kultura. Ito ang mga rason para mas lalo mo pang mahalin ang ating bansa:


Mayamang Kasaysayan ng Pilipinas, Ating Bansang Minamahal



Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang kabilang sa kontinente ng Asya. Ito ay napapaligiran ng iba't ibang dagat at Karagatang Pasipiko kaya masasabi natin na  may kahirapang puntahan ang lugar nito dahil na rin sa marami nitong mga isla at pulo.

"Perlas ng Silanganan" kung tawagin dahil sa ganda ng mga lugar nito ay maraming dayuhang mananakop ang nabighani. Naging maayos ang ugnayan ng mga Pilipino noong una ngunit nabahiran ng karahasan dahil sa mahigpit na pamamalakad ng mga dayuhang mananakop. Ang pinakamatagal sa mga mananakop na dayuhan ay ang mga Espanyol na tumagal ng 333 na taon. Dito natutunan ng mga Pilipino na mapalapit sa relihiyong Kristiyanismo. Bukod duon ay natutunan din ng mga lokal na tao na lumaban sa mga pang aapi ng mga dayuhan. Sumunod sa mga Espanyol ay ang mga Amerikano na nagbigay daan upang magkaroon ng magandang edukasyon ang mga Pilipino. Sila ay tumagal sa Pilipinas ng 48 na taon hanggang sa maitatag ang kalayaan ng bayan. Ngunit, sa ‘di katagalan ay muling nasakop ng mga Hapon na naging hudyat ng digmaan sa pagitan ng iba't ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas.

Sa kabila ng mga nangyari ay natutunan ng mga Pilipino na umahon sa pagkakadapa.

Muling naibalik ang sigla ng kalakaran at ekonomiya sa pamumuno na rin ng mga magaling na pinuno kagaya ni Ramon Magsaysay.


Mga Pinay at Pinoy: Kilala sa Magagandang Ugali


Ang paggalang ay malalim na nakatanim sa kultura at wikang Filipino na may mga katagang tulad ng "po" at "opo" sa kanilang mga pangungusap kapag nakikipag-usap sa mga nakatatanda o mas mataas sa posisyon.


Ang “Pilipino Hospitality” ay isa pang halimbawa ng magandang kaugaliang Pilipino. Ipinapakita natin ang ating mainit na pag-tanggap sa mga panauhin at ang pag-aasikaso sa kanila. Tinitiyak  natin na sila ay komportable at nagsasaya.


Isa pang katangiang hindi mawawala sa magandang kaugaliang Pilipino ay ang pagpapahalaga sa pamilya. Tinuturing natin ang pamilya bilang pinakamahalagang bahagi ng ating buhay. Sa pamamagitan ng pag-aalaga, pagbibigayan, at pagtutulungan sa loob ng pamilya, naipapakita natin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagmamahal.


Tahanan ang Pilipinas ng mga Magagandang Lugar


Isa sa mga sikat na pasyalan dito sa Pilipinas ay ang Intramuros o “sa loob ng mga pader” ay sentro ng pamahalaan, ekonomiya, relihiyon, at edukasyon noong panahon ng Kastila sa Pilipinas. Sa 60 ektarya nito, matatagpuan ang mga pangunahing simbahan, kumbento, eskuwelahan, at gusaling pampamahalaan ng mga mananakop na Espanyol. Ngayon, isa ito sa pinakatanyag na pook na binibisita ng mga Filipino at banyagang turista sa Maynila. Ang Baguio ay isa din sa mga lugar na palaging binabalik-balikan ng mga banyaga sa Pilipinas. Itinuturing itong "Summer Capital" ng Pilipinas dahil sa malamig na klima nito. Ang lugar na ito ay nagsisilbing pangunahing atraksiyon para sa mga bakasyonistang Filipino at dayuhan, lalo na sa tag-init. Marami pang magagandang lugar sa Pilipinas na puno ng kasaysayan, sining, at kakaibang kultura kagaya na lamang ng Palawan at Bohol.


Matatagpuan sa Pilipinas ang mga Nagsasarapang Putahe


Mahilig tayo sa pagkain at kumain lalo na at napakaraming mga kainan ang makikita sa bawat sulok ng ating bansa. Bawat okasyon ay mayroon tayong mga partikular na putahe (Halimbawa: banana ketchup spaghetti sa kaarawan) o mga pagkain na inululuto at inihahanda sa ating hapag-kainan . Nandiyan din yung mga pagkakataon na makarinig ka lamang ng salitang pagkaing Pinoy ay papasok na agad sa isip mo ang iba’t-ibang ulam na pwedeng makita sa mga hapagkainan nating mga Pilipino. Ilan sa mga ulam na ito ay ang m Adobo na niluluto sa mga sikat na cooking shows kagaya ng Master Chef, Sinigang na natampok na sa show ni Gordon Ramsay, Nilaga, Kare-kare, Lechon na kasama sa listahan ng CNN na pinaka-masarap na pagkain sa buong mundo. May mga probinsya din na may pinagmamalaking mga putahe tulad ng Bagnet sa Ilocos, Bicol Express sa Bicol, Ginataang Alimasag sa Cagayan Valley at marami pang iba.


Mitolohiya ng Pilipinas, Kayang Makipagsabayan sa Mitolohiya ng Griyego at Hapon


Alam mo ba na ang salitang “bahala na” ay nag-mula sa salitang “kay bathala na”? Maraming tayong mga diyos na sinusunod o pinaniniwalaan bago ang pag-dating ng mga Espanyol. Nandito si Bathala, ang pangunahing diyos ng mga Tagalog at lumikha ng langit at lupa. Sina Mayari at Bulan na diyos at diyosa ng buwan sa mitolohiya ng mga Tagalog. Maririnig naman natin ang kwento nina Malakas at Maganda sa mitolohiyang Bisaya na nagtatampok sa unang tao sa mundo at nagmula mula sa kahoy. Ang mga mitolohiyang ito ay nagbibigay-kulay sa kultura ng Pilipinas at naglalaman ng mga aral sa pag-ibig, relasyon, at paggalang sa kalikasan.


Pista, Pamahiin, at Sayaw na Patok sa Pilipinas


Maraming pista ang matatagpuan sa Pilipinas. Isa rito ang Pista ng Black Nazarene sa Quiapo, Maynila, kung saan ay narito ang rebulto ni Jesu-Cristo na dinadala sa mga lansangan ng distrito ng Maynila upang manguna sa isang malaking prusisyon. Pangalawa ay ang Sinulog Festival sa Cebu City, isang pista sa pagpaparangal ng "Santo Niño", o "Christ". Pangatlo, ay ang Sinulog Festival sa Cebu City. Katulad ng Ati-atihan, ang Sinulog Festival ay isa pang pagdiriwang ng Katoliko na nagpapasalamat sa Anak ni Kristo (Santo Niño). At marami pang ibang kapistahan.


Marami at mayaman naman sa mga paniniwala ang mga Pilipino. Mayroong mga pamahiin at paniniwala na nakaugat na sa ating mga ninuno na sa ngayon, ay patuloy pa ring nalalaganap. Ayon pa rin sa mga nakakatanda, ang hindi pagsunod sa mga pamahiin ay nagdudulot ng kamalasan o ng kasawian. Ang sabi nga ng karamihan, wala namang mawawala kung susundin ang mga pamahiing ito at higit na mabuti na sumunod sa mga ito upang manatiling ligtas at magkaroon ng matiwasay na pamumuhay. Ang mga balimbawa ng mga paniniwala na ito ay ang: hindi dapat batiin ang bata baka mausog, pangalawa, ang pagluluto ng pansit sa kaarawan ay nagbibigay raw ng mahabang buhay, pangatlo, ang batang may dalawang puyo ay magiging matigas ang ulo at makulit, at marami pang iba


Ang Pilipinas ay mayroong magkakaibang koleksyon ng mga tradisyonal na mga sayaw. Mula sa mga kilalang pambansang sayaw na Tinikling, na nagbabayad pintuho sa paggalaw ng isang magkasintahan, ang mga katutubong sayaw ay sumasalamin sa elemento ng araw-araw na buhay ng Pilipinas, ang mga katutubong sayaw din ay nag-aalok ng isang sulyap sa kasaysayan ng bansa. Ang Cariñosa, Itik-Itik, Kuratsa at Subli ay iilan lang sa mga sayaw sa Pilipinas.


Sa paglalakbay natin sa mundong ito, huwag nating kaligtaan ang magandang tinataglay ng ating sariling kultura. Dala natin ang kasaysayan ng mga dakilang ninuno at pambansang kagitingan na nagbigay anyo sa bayan natin. Sana tayo’y namamangha at nagagandahan din sa ating kultura habang namamangha tayo sa kultura ng ibang bansa. Huwag itong kalimutan at isapuso dahil sa huli, tayo ang bunga ng kultura ng ating bansa. At kung wala ang kultura, wala rin tayong pagkakakilanlan.



Share - Mga Bagay na Dapat Ipagmalaki Bilang Isang Pilipino

Follow Guest to stay updated on their latest posts!

Follow

0 comments

Be the first to comment!

This post is waiting for your feedback.
Share your thoughts and join the conversation.